MAS MALAWAK NA ESTRATEHIYA NG TSINA, KINUWESTIYON NI GOITIA


Ibahagi Facebook X

Dapat manatiling mapagmatyag ang Pilipinas sa mga pagkilos ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS) at patuloy na ipagtanggol ang soberanya at karapatan nito sa karagatan sa kabila ng tumitinding tensiyon sa rehiyon. 

Ito ang paninindigan ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, na nagsabing kailangang masusing suriin ang mga hakbang ng Beijing at ang posibleng epekto ng mga ito sa seguridad at pambansang interes ng bansa. 

Matatandaan na nito lamang Oktubre 15 ay sinabi ni Chinese Ambassador Jing Quan na “madaling mananalo” ang Tsina kung gagamit ito ng puwersa, bago igiit na hangad ng Beijing ang kapayapaan. 

Itinuring ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tila banta ang naturang pahayag, habang tinawag naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang “thinly veiled threat of the use of force.” 

Ayon kay Goitia, pinahahalagahan ng mga Pilipino ang kapayapaan, demokrasya at pandaigdigang batas, subalit hindi ito nangangahulugang uurong ang bansa sa pagtatanggol sa mga karapatan nito. 

Aniya, nananatiling buhay ang tapang at pagmamahal sa bayan na ipinakita ng mga ninuno sa pagharap sa mga dayuhang mananakop, at magpapatuloy ang paninindigan ng mga Pilipino kapag nanganganib ang soberanya ng bansa. 

Samantala, iniulat ng isang maritime intelligence report na namataan ang isang barko ng Chinese People’s Liberation Army Navy malapit sa mga isla ng Ambulong at Diwaran noong Oktubre 14. 

Namataan din umano malapit sa Panatag Shoal ang mga barko ng Chinese maritime militia na may kakayahang magsagawa ng pananaliksik sa dagat. 

Ayon sa ulat, mabagal na kumilos ang barkong pandigma sa loob ng halos dalawang oras bago nagpatuloy sa timog. Gayunman, hindi pa kumpirmado ang kabuuang galaw nito. 

Binigyang-diin ni Goitia na tungkulin ng pamahalaan na subaybayan ang mga dayuhang sasakyang pandagat upang mapangalagaan ang karagatan at seguridad ng bansa. 

“Hindi pang-uudyok ang pagsubaybay sa mga dayuhang barko. Responsibilidad natin itong gawin upang pangalagaan ang karagatan, seguridad, at pambansang interes ng bansa,” ani Goitia. 

Binigyang-pansin din niya ang paggamit sa bansag na “troublemaker” laban sa Pilipinas, matapos itong gamitin ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Lin Jian laban sa Maynila. 

Kinuwestiyon din ni Vice President Sara Duterte kung nagiging “troublemaker” ang Pilipinas sa Southeast Asia. 

Para kay Goitia, mahalagang suriin kung paano ginagamit ang ganitong mga pahayag sa gitna ng mga sigalot sa rehiyon, lalo na kung maaari nitong ilihis ang pansin mula sa mga usapin tungkol sa karapatan ng Pilipinas sa karagatan. 

Hinimok din niya ang Beijing na linawin ang mga ulat na may kaugnayan sa tinatawag na “Operation Rising Dragon” at sa umano'y posibleng pagsalakay sa malalaking bahagi ng teritoryo ng Pilipinas sa 2028. 

Ang mga naturang ulat ay dapat pang beripikahin, lalo na sa gitna ng patuloy na tensiyon sa WPS at mga iniulat na pag-aangkin ng Tsina sa mga lugar malapit sa Palawan at Batanes. 

Samantala, inaasahang magkakaroon ng pagkakataon ang Pilipinas na muling igiit ang mga karapatan nito sa karagatan sa idaraos na ASEAN Summit sa Metro Manila sa Nobyembre. 

Ayon kay Goitia, mahalagang mapalakas ng bansa ang suporta ng mga karatig-bansa para sa paggalang sa pandaigdigang batas at mapayapang pagresolba sa mga sigalot. 

Binigyang-diin niyang dapat piliin ng Pilipinas ang kapayapaan nang hindi isinusuko ang soberanya at mga lehitimong karapatan nito. 

Si Goitia ay may titulong Juris Doctor at PhD, at Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Mayroon din siyang mga advanced degree sa National Security Administration (MNSA), Public Administration (MPA) at Business Administration (MBA). / ((BONG SON))

Ibahagi ang kuwentong ito Facebook X

Mula sa Edisyon Ngayon