Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Biyernes, Setyembre 4, ang batas na nag-aamyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act upang higit na mapalawak ang tulong ng pamahalaan sa mga estudyante at trainees, lalo na ang mga mula sa mahihirap at disadvantaged na pamilya.
Sa ceremonial signing na ginanap sa Malacañan Palace, sinabi ni Marcos na layunin ng bagong batas na matiyak na ang bawat kabataang Pilipino ay magkakaroon ng pantay na pagkakataong makakuha ng de-kalidad na tertiary education.
Ayon sa Pangulo, bagama’t malaking hadlang na ang natanggal sa pamamagitan ng libreng tuition sa mga pampublikong kolehiyo, unibersidad at state-run technical-vocational institutions, marami pa ring estudyante ang nahihirapang tustusan ang mga gastusin sa pag-aaral tulad ng libro, pamasahe, pagkain at iba pang pangangailangan.
“Free tuition removed a major barrier to tertiary education, but families still face the cost of books, transportation, daily expenses, and other requirements that can prevent students and trainees from completing their studies,” ani Marcos.
Sa ilalim ng amendments, higit na pagtutuunan ng government assistance ang mga estudyanteng nangangailangan nito, kabilang ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Maaari ring makatanggap ng suporta mula sa pamahalaan ang mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyanteng kumukuha ng priority programs at hindi saklaw ng kasalukuyang grants, kabilang ang mga nag-aaral sa kwalipikadong pribadong higher education at technical-vocational institutions.
Ayon kay Marcos, makatutulong ang hakbang upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng pagkakataong makapagtapos ng degree, diploma o makakuha ng skills qualification.
Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang paglaki ng bilang ng mga benepisyaryo ng Free Higher Education, mula dalawang milyon tungo sa 2.6 milyong estudyante sa unang semestre ng kasalukuyang academic year.
Noong Enero, inilunsad din ng administrasyon ang Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program para sa mga outstanding Senior High School graduates na kukuha ng priority degree programs sa higher education o priority TVET diploma programs.
Samantala, sinabi ni Marcos na tumaas din ang bilang ng undergraduate scholars sa ilalim ng DOST-Science Education Institute, mula 45,024 scholars noong School Year 2022-2023 tungo sa 48,520 noong School Year 2025-2026.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang pag-unlad ng mga lokal na kolehiyo sa larangan ng innovation. Aniya, mula sa 12 local colleges na nakapasok sa World University Rankings for Innovation noong 2022, umabot na sa 140 colleges ang kabilang sa naturang rankings ngayon.
Ayon kay Marcos, patuloy na bibigyang-prayoridad ng kanyang administrasyon ang edukasyon bilang mahalagang puhunan para mapaunlad ang kakayahan ng mga Pilipino at mapalakas ang ekonomiya.
“Tulad lang ng nabanggit ko sa aking SONA ngayong taon, ang edukasyon pa rin ang pangunahing nagtataguyod ng kakayahan, kung kaya ito ang nangunguna sa listahan ng aking Administrasyon,” ani Marcos.
Sa kanyang mensahe sa mga benepisyaryo, tiniyak ng Pangulo na hindi sila nag-iisa sa kanilang paglalakbay tungo sa pagtatapos.
“Narito ang inyong pamahalaan upang tulungan kayong makapasok, manatili, at makatapos sa paaralan o pagsasanay,” ani Marcos.
Inatasan naman ng Pangulo ang Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST), at iba pang concerned agencies na kumpletuhin ang implementing rules and regulations (IRR) sa loob ng panahong itinakda ng batas at tiyakin ang maayos na pagpapatupad nito.
Sinabi ni Marcos na ang pagpapalawak ng access sa de-kalidad na tertiary education ay bahagi ng pangmatagalang commitment ng kanyang administrasyon.
Binigyang-diin niya na bawat estudyanteng makapagtatapos ng college degree o TVET program ay nagbibigay ng mas malaking oportunidad sa kanilang pamilya, komunidad at sa buong bansa.
“May we continue to give every Filipino learner not only the chance to begin, but also the support needed to finish what they have begun,” ani Marcos. (LB)
