
Nagsagawa ng kilos-protesta ang grupo ng hog raiser upang igiit ang agarang hakbang ng pamahalaan para protektahan ang lokal na industriya ng pagba-baboy sa harap ng Department of Agriculture (DA) Central Office sa Quezon City nitong Biyernes ng umaga.
Isinabay nila ang kilos-protesta sa ikalawang araw ng tatlong-araw na “Pig Holiday” mula Oktubre 22 hanggang 24, kung saan boluntaryong itinigil ng mga kalahok na hog raiser ang paglalabas at pagbebenta ng baboy sa merkado.
Sa press conference, sinabi ni AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones, chairman ng Pork Producers Federation of the Philippines, na umaabot na umano sa P350 milyon kada araw ang kanilang pagkalugi.
Ayon sa mga hog raiser, bumagsak sa P130 hanggang P140 kada kilo ang farmgate price ng baboy sa ilang lugar, samantalang nasa P180 hanggang P190 kada kilo ang tinatayang production cost.
Kabilang umano sa mga dahilan ang mataas na volume ng imported pork na umano’y nagdulot ng oversupply at nagpababa sa presyo ng lokal na baboy.
Kaya ang panawagan nila ay ang agarang pagbabalik ng taripa sa imported pork sa 30% para sa in-quota shipments at 40% para sa out-quota imports.
Hiniling din din nila ang pansamantalang paghinto ng pag-isyu ng import clearances, higpitan ang inspeksyon sa imported meat at paigtingin ang kampanya laban sa agricultural smuggling, misdeclaration at G undervaluation.
Sa kasalukuyan, nasa 15% ang tariff rate para sa in-quota pork imports at 25% para sa out-quota imports. (Nino Aclan)
