
Pinalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga Public Employment Service Office (PESO) ang kanilang pagtutulungan upang mapalawak ang mga oportunidad sa trabaho at maiugnay ang kasanayan ng mga manggagawang Pilipino sa pangangailangan ng mga employer.
Ito ang naging sentro ng 26th National PESO Congress na ginanap noong Oktubre 14 hanggang 16, 2026 sa Lapu-Lapu City, Cebu, sa pangunguna ni DOLE Secretary Francis N. Tolentino at dinaluhan ng mga kinatawan ng PESO at iba pang stakeholder.
Sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng pagtitipon, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng mas matibay na koordinasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan upang mailapit sa mga Pilipino ang mga oportunidad sa trabaho.
Ayon sa Pangulo, mahalaga ang pagkakaroon ng trabaho upang matustusan ng mga manggagawa ang kanilang pamilya, magamit ang kanilang edukasyon at kasanayan, at makamit ang mas matatag na kinabukasan.
Binigyang-diin din ni Marcos ang patuloy na pagsisikap ng administrasyon na paunlarin ang mga kasanayan ng mga manggagawa alinsunod sa pangangailangan ng lokal at internasyonal na industriya.
Inatasan na rin umano ng Pangulo ang DOLE, Department of Education (DepEd), Department of Trade and Industry (DTI), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na iayon ang kanilang mga programa sa pagsasanay sa pangangailangan ng labor market.
Layunin nitong matiyak na mas handa ang mga Pilipino sa mga bakanteng trabaho at mga bagong oportunidad na dulot ng pagbabago sa industriya.
Ayon sa DOLE, mahalaga ang papel ng PESO sa pagsasakatuparan ng mga programa sa empleo sa mga komunidad, kabilang ang pagdaraos ng TRABAHO AGAD job fair at pag-uugnay sa mga naghahanap ng trabaho at mga employer.
Sa datos ng kagawaran, nakatulong ang mga PESO na mabigyan ng trabaho ang mahigit 1.4 milyong kwalipikadong aplikante noong 2026, na nagtala ng 91.72 porsiyentong placement rate.
Sa panayam sa media, sinabi ni Tolentino na hindi lamang pambansa o panrehiyong pamahalaan ang may pananagutan sa pangangasiwa sa empleo, kundi maging ang mga lokal na pamahalaan at komunidad.
Ipinaliwanag niyang higit na nauunawaan ng mga PESO ang kalagayan ng lokal na merkado ng paggawa, kabilang ang kakayahan ng mga manggagawa, mga kasanayang kulang sa kanilang komunidad, at mga kwalipikasyong hinahanap ng mga employer.
Dahil dito, mahalagang mapalakas ang kanilang kakayahan upang makapagbigay ng wasto at napapanahong impormasyon tungkol sa mga oportunidad sa trabaho.
Kinilala rin ng kalihim na may ilang PESO na hindi pa ganap na naitatatag bilang permanenteng institusyon, kaya kailangan ang patuloy na suporta upang mapatatag ang kanilang operasyon at serbisyo.
Sa ilalim ng temang “Kaunlaran sa bawat Komunidad, Oportunidad sa bawat Mamamayan,” tinalakay sa tatlong araw na kongreso ang paggamit ng labor market intelligence sa panahon ng digital transformation, pagpapalakas ng ugnayan ng PESO at Job Placement Office, at pagtataguyod ng panghabambuhay na pagkatuto upang mapataas ang kakayahang makapagtrabaho ng mga Pilipino.
Binigyang-pansin din ang paggamit ng lokal na impormasyon sa merkado ng paggawa upang higit na mapahusay ang mga programa sa pagtatrabaho ng kabataan at makabuo ng mas malinaw na landas mula edukasyon at pagsasanay tungo sa permanenteng trabaho.
Bilang bahagi ng pagtitipon, pararangalan din ng DOLE ang mga natatanging tanggapan sa 2025 National Search for Best PESO Awards bilang pagkilala sa mga lokal na programang nagbubunga ng konkretong oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino. / (LB)
