
Pinuna ni Dr. Jose Antonio Goitia ang naging kilos ng Tsina sa Seoul Defense Dialogue, na inilarawan niya bilang “pambubully” sa halip na diplomasya, matapos igiit ng Beijing ang pagtanggi nito sa 2016 South China Sea arbitral ruling.
Nang magsalita si Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. sa naturang international forum, isang sulat mula sa panig ng Tsina ang iniabot sa kanya na muling kumukuwestiyon sa arbitral ruling.
Sa naturang sulat, tinawag ng Beijing na “illegal, null and void” ang 2016 ruling at iginiit na wala itong “binding force.”
Hindi naman pinalampas ni Teodoro ang mga pahayag ng Tsina.
“So what you signed, UNCLOS, you mean violates international law. That’s what you mean,” ani Teodoro nang kuwestiyunin ang legalidad ng arbitration.
Sa pahayag naman ng Tsina na walang bisa ang arbitral award, tugon ni Teodoro, “Because you don’t want to be subjected to UNCLOS.”
Direkta din na sinagot ng kalihim ang pahayag ng Beijing na hindi nito kinikilala ang Award, “Of course, because you lost.”
Tinawag ni Teodoro ang insidente na “actual coercion, bullying and aggression” at kinuwestiyon din ang umano’y kawalan ng respeto sa forum na hino-host ng South Korea at dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang bansa.
Para kay Goitia, ipinakita ng insidente ang kahinaan ng legal na posisyon ng Tsina sa usapin ng South China Sea.
“Maaaring gamitin ng Tsina ang kapangyarihan nito para manakot, pero hindi nito kayang gamitin ang kapangyarihang iyon para baguhin ang batas. Hindi yuyuko ang Pilipinas sa pambubully, dahil hindi Tsina ang magdidikta sa ating soberanya,” ani Goitia.
Dagdag pa niya, ang pananakot ay hindi tanda ng tunay na lakas.
“Ang pambubully ay hindi tanda ng lakas. Tanda ito ng takot. Kung matatag ang iyong paninindigan, kaya mo itong ipagtanggol gamit ang katotohanan at batas. Hindi mo kailangang manakot ng iba,” aniya.
Bagama’t kinilala ni Goitia ang malaking kapangyarihang militar at ekonomiya ng Tsina, iginiit niyang hindi nagiging legal o balido ang isang pag-aangkin dahil lamang sa lakas ng bansang gumagawa nito.
Aniya, ang 2016 Award ay inilabas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at hindi mababago ng pagtanggi o pressure ng Beijing ang naging pasya ng tribunal.
Sinabi rin ni Goitia na maaaring patuloy na tanggihan ng Tsina ang Award at ulit-ulitin ang posisyon nito, ngunit hindi ito awtomatikong magiging legal dahil lamang sa paulit-ulit na paggiit.
Pinuri naman niya ang naging paninindigan ni Teodoro sa Seoul, na aniya’y nagpapakita ng patuloy na determinasyon ng Pilipinas na ipagtanggol ang soberanya nito.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ng advanced degrees sa MNSA, MPA, at MBA. / (MARISA SON)
