NASA desisyon na umano ng korte kung papayagan ang mga nakakulong na sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Rodante Marcoleta na dumalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.
“Si Sen. Marcoleta at Sen. Jinggoy nasa kustodiya ngayon ng Sandigan, which is under the jurisdiction of the court, so by process doon sila magpapaalam kung makaka-attend sila ng session, kung makaka-attend sila ng impeachment,” pahayag ni Gatchalian sa panayam nitong Miyerkoles.
“In the past ganun din. Nangyari itong may mga na-detain na senators, ganun din ang nangyaring proseso,” dagdag pa niya.
Sina Estrada at Marcoleta ay kasalukuyang nakakulong sa Quezon City Jail dahil sa parehong plunder case na non-bailable.
Ang kaso ni Estrada na may kaugnayan sa kanyang pagkakasangkot sa maanomlyang flood control projects habang ang kaso naman ni Marcoleta ay nag-ugat sa alegasyon na tumanggap ito ng P75 milyong campaign donation.
Sabi pa ni Gatchalian, puwede namang direktang hilingin nina Estrada at Marcoleta sa korte na payagan silang dumalo sa impeachment trial ng Bise Presidente.
“By process nasa jurisdiction na sila ng korte so they have to ask permission from the Sandigan and the Sandigan na mag-de-decide kung pwede sila mag-do. Pwede sila mag-attend ng session at pwede sila mag-attend ng impeachment,” ayon sa Senate President.
“Sila dapat ang mag-humingi ng permission. In the past, ganun ang nangyayari. Humingi sila ng permission sa korte dahil nasa jurisdiction sila ng korte. So, korte ang magde-decide kung mayroong justification na ipa-attend sila ng, even sa session, mag-attend ng session or mag-attend ng impeachment,” sambit pa niya. (Nino Aclan)
