JOINT TASK FORCE ITATAYO SA MGA PARALAN


Ibahagi Facebook X

Iminungkahi ni Education Secretary Sonny Angara ang pagbuo ng isang Joint School Safety Task Force kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) upang magsagawa ng site-specific security audit sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa. 

Ito ang naging tugon ng Kalihim sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasunod ng pamamaril sa Banga National High School na ikatlong insidente ng deadly school shooting sa nakalipas na tatlong buwan. 

Inatasan ni Marcos ang Department of Education (DepEd), DILG at PNP na magsagawa ng assessment at magrekomenda ng mga konkretong polisiya upang maiwasan ang karahasan sa mga paaralan. 

Ayon kay Angara, rerepasuhin ng DepEd, DILG at PNP ang mga ipinatupad nang hakbang sa seguridad matapos ang mga naunang insidente at tutukuyin ang mga natitirang kakulangan. 

Binigyang-diin niyang hindi layunin ng task force na lumikha ng panibagong permanenteng burukrasya kundi pagsama-samahin ang mga ahensya upang matukoy ang partikular na panganib at mga kinakailangang hakbang sa bawat paaralan at komunidad. 

Kabilang sa susuriin ang kontrol sa pagpasok sa paaralan, pag-uulat ng mga banta, emergency response at koordinasyon sa lokal na pulisya. Gagamitin ang mga resulta ng assessment bilang batayan ng mga aksyon sa antas ng paaralan, division, lokal, rehiyonal at pambansang pamahalaan. 

Nakikipag-ugnayan din ang DepEd sa PNP upang matukoy kung paano nakuha at naipasok sa paaralan ang baril na ginamit sa insidente at upang matukoy ang mga posibleng pagkukulang sa seguridad. 

Sinabi ng DepEd na igagalang nito ang opisyal na imbestigasyon at magsasagawa ng kaukulang aksyon kung may matukoy na administrative liability sa ilalim ng mga patakaran ng kagawaran, habang nakikipagtulungan sa mga awtoridad sa mga posibleng paglabag sa batas. / (LB)

Ibahagi ang kuwentong ito Facebook X

Mula sa Edisyon Ngayon