PALAKASIN ANG SKILLS NG PINOY WORKERS - DOLE


Ibahagi Facebook X

Pinapalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga programa at partnership nito upang makalikha ng de-kalidad na trabaho at maihanda ang mga manggagawang Pilipino sa mabilis na pagbabago ng global labor market. 

Sa ilalim ng pamumuno ni Labor Secretary Francis N. Tolentino, nakipagtulungan ang DOLE sa HD Hyundai Heavy Industries Co., Ltd. (HHI) at Korea Marine Equipment Research Institute (KOMERI) para itatag ang Training Center for Eco-Friendly Shipbuilding Specialists sa Pilipinas. 

Inaasahang makatutulong ang training center sa paglikha ng green jobs at pagsasanay sa mga manggagawa para sa eco-friendly shipbuilding industry. 

Nakipagtulungan din ang DOLE sa Information Technology and Business Process Association of the Philippines (IBPAP) sa pamamagitan ng JobStart Philippines Program upang mapalakas ang employability ng mga kabataan sa IT-BPM sector. 

Sa ilalim ng JobStart, binibigyan ang mga kabataan ng core at soft skills training, technical training na nakabatay sa pangangailangan ng industriya, at internship opportunities. 

Ayon sa isang contact center representative, malaking tulong ang international partnerships upang mapaunlad ang digital skills ng mga manggagawa at matutunan ang mga bagong teknolohiya at sistema na ginagamit sa ibang bansa. 

“Nakatutulong din ito upang mas maging adaptable at competitive kami sa global workforce, lalo na sa mabilis na pagbabago ng information technology at call center industry.” 

Pinalakas din ng DOLE ang pakikipagtulungan nito sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa pamamagitan ng isang Data Sharing Agreement para mapabilis ang proseso ng foreign employment permits at PEZA visas para sa mga dayuhang manggagawa. 

Bahagi ito ng “green line initiative” ng pamahalaan na naglalayong pabilisin ang mga proseso at serbisyo ng gobyerno. 

Patuloy namang pinalalawak ng DOLE ang mga oportunidad para sa mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa employability, innovation, industry partnerships at paghahanda sa kompetisyon sa pandaigdigang merkado ng paggawa. / (LB)

Ibahagi ang kuwentong ito Facebook X

Mula sa Edisyon Ngayon