
Mula sa pagiging batang kampeon sa judo hanggang sa pamumuno sa Customs Police, humakbang si Noel Estanislao sa panibagong yugto ng kanyang serbisyo publiko bilang Acting Director ng Enforcement and Security Service (ESS) ng Bureau of Customs (BOC).
Itinalaga si Estanislao sa puwesto noong Abril 7, 2026 upang pangunahan ang ESS, ang pangunahing operating arm ng Customs Enforcement Group na nakatutok sa seguridad ng mga customs zone at pagpapatupad ng mga operasyon laban sa smuggling.
Bago ito, ilang dekada ring naglingkod si Estanislao sa pagpapatupad ng batas, kabilang ang kanyang karanasan bilang dating heneral ng pulisya at beteranong opisyal ng dating Philippine Constabulary.
Ayon sa kanyang profile, malawak ang kanyang karanasan sa operational administration at pagpapatupad ng koleksyon ng kita ng pamahalaan, gayundin sa pagpapaigting ng operasyon, pagpapabilis ng lehitimong kalakalan at pagsunod sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
May matagal nang ugnayan si Estanislao kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nagsimula pa umano noong kanilang kabataan.
Bilang National Boys’ Champion sa judo, nagsanay si Estanislao sa nasabing martial art kasama ang batang Marcos Jr. sa ilalim ng kanilang coach na si Abelardo Orense.
Makikita rin sa mga lumang litrato at rekord sa arkibo si Estanislao habang nagsasanay at nagpapakita ng mga teknik sa judo kasama si Marcos Jr. sa mga mat sa Malacañang.
Mula sa judo, dinala umano ni Estanislao ang disiplina at karanasan sa serbisyo publiko at kalaunan ay sa mga tungkuling may kinalaman sa koleksyon ng kita at seguridad ng hangganan.
Sa ilalim ng pamumuno ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, kabilang ang ESS sa mga yunit na gumaganap ng mahalagang papel sa kampanya ng BOC laban sa smuggling.
Kabilang sa mga tungkulin ng yunit ni Estanislao ang pagpapatupad ng search and seizure orders, seguridad sa mga customs zone at pagsasagawa ng tactical operations laban sa ilegal na aktibidad sa mga daungan at karagatan.
Nakatuon din ang ESS sa pagpigil sa pagpasok ng mga kontrabando, kabilang ang mga puslit na sigarilyo, produktong agrikultural at mapanganib na droga.
Bahagi rin ng mandato nito ang pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa pagpapatibay ng seguridad sa mga hangganan sa lupa at dagat.
Sa kanyang bagong tungkulin, inaasahang magagamit ni Estanislao ang kanyang karanasan sa pagpapatupad ng batas at operasyon upang suportahan ang mandato ng BOC sa proteksyon ng hangganan at pagsugpo sa smuggling. / ((BONG SON))
