DIYARYO PINOY SA IKA-12 TAONG ANIBERSARYO: TEKNOLOHIYA TULAY SA MAKABAGONG PAGBABALITA PARA SA LAHAT


Ibahagi Facebook X

Labindalawang taon ng paglalathala ng mga balita at impormasyon, pagharap sa hamon ng panahon, at patuloy na pagyakap sa makabagong pamamahayag. 

Hindi biro ang labindalawang taong serbisyo para sa isang pahayagang dumaan sa iba’t ibang pagsubok, pagbabago at hamon ng panahon. Sa kabila ng lahat, nananatiling matatag ang Diyaryo Pinoy na patuloy na nagsusulong ng tapat at disenteng pamamahayag na nakatuon sa interes ng mamamayan at serbisyo publiko. 

Mula sa tradisyonal na paglalathala o pag-iimprenta ng pahayagan, naging bahagi ang Diyaryo Pinoy ng bawat Pilipino sa isang mundong binubuo ng mga mamamahayag, kolumnista, komentarista, entertainment writer, contributing writer at iba pang indibidwal na nagbahagi ng kanilang kaalaman, talento at paninindigan sa larangan ng pamamahayag. 

Hindi naging madali ang paglalakbay na pinagdaanan ng DP. Dumaan ang organisasyon sa iba’t ibang hamon sa pamamahala, paglalathala at pagpapanatili ng publikasyon. Gayunman, hindi nawala ang pag-asang maipagpatuloy ang serbisyong sinimulan; ang maghatid ng impormasyon sa mga mambabasang Pilipino ng tuloy-tuloy at napapanahon. 

PANAHON NG PANDEMYA, KASABAY NG MABILIS NA PAGBABAGO NG TEKNOLOHIYA 

Sinubok ng pandemya ang kakayahan ng maraming industriya na magpatuloy, kabilang ang larangan ng pamamahayag at ang mga peryodikong tuluyan na naglaho sa sirkulasyon. Kasabay nito, lalong lumawak ang impluwensiya ng digital world, na nagpabago sa paraan ng paglikha, paghahatid at pagkonsumo ng mga balita. 

Kaya naman, hindi rin maiwasan ang magtanong sa sarili kung hanggang kailan mananatiling buhay ang tradisyonal na pahayagan sa mundong unti-unting lumilipat sa digital na pamamaraan? 

Batid naman natin na nagbabago ang panahon at ang pinipili ng bawat tao sa makabagong Henerasyon. Hindi naging sagot ang pagsuko. Sa halip, naging hamon ito upang matuto, magbago at humanap ng mga bagong paraan upang maabot ang mas maraming mambabasa. 

Sa loob ng labindalawang taon, nagpatuloy sa sirkulasyon ang Diyaryo Pinoy at masasabing, patuloy pa ring tinatangkilik ng mga mambabasa, advertisers, at sponsors ang pagpili sa Diyaryo Pinoy. Kasabay ng nakasanayang paglalathala, tinatahak na rin ng Diyaryo Pinoy ang landas ng digitalization o ang digital news platform gamit ang website at social media upang maging mas madaling mahanap at mabasa ang mga balita at impormasyon sa online world. 

Isa itong mahalagang hakbang sa pagkilala na ang pamamahayag ay kailangang sumabay sa panahon nang hindi isinasantabi ang mga prinsipyong dapat nitong panghawakan. 

Ang makabagong teknolohiya ay hindi lamang hamon. Isa rin itong pagkakataon upang mapalawak ang abot ng impormasyon, mapabilis ang paghahatid ng balita at higit na mapalapit sa mga mambabasang Pinoy na patuloy na naghahanap ng mapagkakatiwalaang source. 

LABINDALAWANG TAON NG PAGLALAKBAY, ISANG PANININDIGANG HINDI NAGBABAGO 

Sa pagdiriwang ng ika-12 taong anibersaryo ng Diyaryo Pinoy, buong puso ang pasasalamat ng pamunuan ng DP sa patuloy na tumatangkilik sa pahayagang tradisyonal, gayundin sa mga sponsors, partners, advertisers, manunulat, at sa mga naging bahagi ng paglalakbay nito. 

Ang bawat suporta ay nagsisilbing paalala na may puwang pa rin ang pamamahayag na nakatuon sa pangangailangan ng mamamayan sa kabila ng mabilis na pagbabago ng panahon at teknolohiya. 

Hindi rito nagtatapos ang kuwento ng Diyaryo Pinoy. Sa halip, panibagong yugto ito ng patuloy na pag-unlad, pagkatuto, paglalathala, at paglilingkod sa sambayanan sa mas patas at balanseng pamamahayag. 

Layunin ng Diyaryo Pinoy na patuloy na maghatid ng bago, makabuluhan, napapanahon at kapaki-pakinabang na balita't impormasyon, manindigan para sa katotohanan at isulong ang responsableng pamamahayag, ika nga; Dapat Patas, Para sa Lahat! 

We wish you all the success! Happy 12th Anniversary and Congratulations, Diyaryo Pinoy!

Ibahagi ang kuwentong ito Facebook X

Mula sa Edisyon Ngayon